Tuesday, September 20, 2022

Ang Digmaang Pilipino-Amerikano, ARALING PANLIPUNAN 6 - QUARTER 1

Ang Digmaang Pilipino-Amerikano, ARALING PANLIPUNAN 6 

Karapatang sipi © 2021, La Union Schools Division, Region I

Disclaimer: No Copyright infringement intended. For educational purposes only.

Ang araling ito ay tungkol sa mga pangyayari sa pakikibaka ng mga Pilipino sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano sa ating bansa. Dito malalaman ang mga pangyayari sa panahon na tayo ay nakipaglaban para sa ating kalayaan noong panahon ng mga Amerikano. Inilalahad sa modyul ang sitwasyon ng bansa na nagbunsod sa pagsisimula ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Matutunghayan din natin ang mga pangyayari sa panahon ng digmaan tulad ng Labanan sa Pasong Tirad at ang Balangiga Massacre. Malalaman natin kung ano ang mga naging epekto ng mga pangyayaring ito sa pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa ating kalayaan.

Ang Digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano ay isang makasaysayang yugto sa pakikibaka ng mga Pilipino para sa kalayaan. Ito ang armadong hidwaan sa pagitan ng Unang Republikang Pilipino at ng Estados Unidos na nagsimula noong Pebrero 4, 1899 hanggang Hulyo 2, 1902. Kung maalala ninyo, na habang malapit nang matalo ng mga mandirigmang Pilipino ang hukbong Espanyol, dumating ang mga Amerikano sakay ng mga barko na dumaong sa baybayin ng Maynila. Inimpluwensiyahan ang mga Pilipino na sila daw ay kasangga at kakampi sa pakikipaglaban sa mga Espanyol para makamit ang kalayaan. Matatandaang nagdeklara ng kasarinlan ang Pilipinas at tinawag itong Unang Republika ng Pilipinas subalit, hindi ito kinilala ng mga Amerikano. Kung kaya napilitan ang mga Pilipino sa pamumuno ni Pangulong Emilio Aguinaldo na labanan ang mga Amerikano at bawiin ang ating kalayaan mula sa mga mapanlinlang na mga Amerikano.

Unang Putok sa Panulukan ng Silencio at Sociego, Sta. Mesa

Iba’t ibang bersyon ng mga mananalaysay kung paano nagsimula ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano. Sa simula ng pamamahala ng mga Amerikano, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan nila at ng mga Pilipino sa pamumuno ni Pangulong Emilio Aguinaldo na huwag lumapit sa teritoryo na pinamamalagian ng bawat pangkat. Subalit nagbago ang pangyayari noong Pebrero 4, 1899 sa ganap na ikawalo at kalahati ng gabi nang naganap ang barilan na siyang naging hudyat ng labanan. Ito ay nangyari ng pinaputukan ni Private Willie W. Grayson ang isang sundalong Pilipino na si Corporal Anastacio Felix at ang kaniyang mga kasama sa panulukan ng mga Kalyeng Sociego at Silencio sa Santa Mesa, Maynila. Gumanti naman ng putok ang mga sundalong Pilipino at sa loob ng isang oras, ang dalawang hukbo ay ganap na humanda sa pagsimula ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Tumagal ng humigit kumulang na dalawang taon ang itinagal ng digmaan at batay sa estatistika, tinatayang 4,234 na sundalong Amerikano at 16,000 sundalong Pilipino ang nasawi. Ninais sana ng pangkat ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa tulong ni Pedro Paterno na pigilin ang lumalaganap na labanan. Katunayan, ipinaabot ni Emilio Aguinaldo kay Heneral Elwell Otis na ang barilang naganap ay hindi ayon sa kaniyang kagustuhan. 

Gayunpaman, ikinagalit ito ng mga Amerikano at ipinahayag ni Heneral Otis ang pagpapatuloy ng nasimulang laban hanggang sa matapos ito. Mabilis na lumaganap ang labanan sa paligid ng Maynila gaya ng La Loma, Quezon City, at Daang Azcarraga (Claro M. Recto Avenue ngayon). Pinamunuan ni Heneral Antonio Luna ang mga sundalong Pilipino sa pakikipaglaban sa Maynila. Ngunit sila ay natalo sa may bahaging Caloocan. Maging sa mga karatig lalawigan ay lumaganap din ang digmaan. Dahil sa lakas ng puwersa at armas ng mga Amerikano ay madali nilang nalusob ang maraming lugar sa Maynila at mga karatig lalawigan nito. Kanila ring tinugis ang mga Pilipino at pinagpapatay ito. Isinunod nila ang pagkubkob sa kabisera ng Pamahalaang Rebolusyunaryo sa Malolos, Bulacan noong Marso 30, 1899. Umatras ang grupo ni Aguinaldo pahilagang Luzon at inatasan niya ang kaniyang pinakapagkakatiwalaang heneral na si Gregorio del Pilar na maiwan nang magkaroon ng distansiya ang pwersa ng mga Amerikano at ng kaniyang puwersa.

Labanan sa Pasong Tirad

Upang makaiwas si Pangulong Aguinaldo sa mga sundalong Amerikano, nagpasya si Hen. Gregorio del Pilar na magpaiwan pansamantala at aabangan ang mga kalaban sa Pasong Tirad. Alam ni del Pilar na maganda ang kanilang puwesto at madaling tambangan ang mga kalaban sa kanilang pagdating. Ang Pasong Tírad ay isang makitid na lagusan sa Bundok Tirad na matatagpuan sa Ilocos Sur. Estratehiko ang lokasyong ito para sa digmaan dahil sa taas nito, kitang-kita ang mga paparating na tumutugis sa kanila. Pinili ni Heneral Gregorio del Pilar ang nasabing lugar upang harangin at gulatin ang pangkat ng Amerikano na nais hulihin si Pangulong Emilio Aguinaldo na tumatakas nang pahilaga. Inutusan niya ang kaniyang 59 na piling sundalo na maghukay sa tatlong lebel ng paso. Dito, maaari nilang barilin at tapunan ng bato ang mga paakyat na Amerikano. 

Puspusang tinugis ng mga Amerikanong sundalo ang puwersa ng mga Pilipinong mandirigma. Noong Disyembre 2, 1899, dumating ang mahigit 500 na mga sundalong Amerikano na pinamunuan ni Major Peyton C. March. Subalit nahirapan silang makausad dahil pinaulanan na sila ng bala ng mga Pilipinong nagtatago sa kabundukan. Gayunman, nakapasok din ang mga Amerikano sa Pasong Tirad sa tulong ng isang Igorot na si Januario Galut. Itinuro niya ang tanging daan papunta sa itaas ng Pasong Tirad sa mismong likuran nina del Pilar. Nabigla ang grupo ni del Pilar sa pagsalakay ng mga Amerikano kaya’t sinubukan nilang tumakas subalit nang papasakay na siya ng kabayo ay may biglang bumaril sa kanya. Nasawi si Gregorio del Pilarnoong Disyembre 2, 1899 at nilapastangan ng mga kalaban ang kanyang bangkay. Ngunit sa kabila ng matinding labanan, sinikap ng isang Igorot na bigyan ng dangal  ng kamatayan ni Heneral Gregorio del Pilar sa pamamagitan ng paglilibing dito. Dahil sa kabayanihang ito ni Heneral Gregorio del Pilar, hinirang siyang “Bayani ng Pasong Tirad”.

Ang Balangiga Masaker

Nang tuluyang madakip ng mga Amerikano si Emilio Aguinaldo, nagpatuloy ang ilang lalawigan sa ating bansa sa pakikipaglaban sa mga Amerikano. Isa si Hen. Vicente Lucban ang nanguna sa pakikipaglaban sa Samar. Sa lalawigang ito, dito naranasan ng mga Amerikano ang isa sa pinakamasakit nilang pagkatalo sa kasaysayan ng digmaan sa Pilipinas. Setyembre 28, 1901, buong tapang na nakipaglaban ang mga taga Samar sa mga sundalong Amerikano. Ito ay pinangunahan ni Hen. Valeriano Abanador. Ang batingaw ng kampana ng Balangiga ang nagsilbing hudyat ng pag-atake ng mga Pilipinong nagbihis babae. Sa ganap na 6:20 nu, humudyat ang kampana ng pag-atake na naging resulta ng pagkabigla ng mga Amerikano. Dahil dito, mahigit kumulang na 46 na Amerikano ang nasawi. Hindi nagustuhan ng mga Amerikano ang kahihiyang nasapit o naranasan kaya’t sila ay gumanti sa mga taga Samar. Bilang ganti, minasaker nila ang humigit kumulang na 2,500 mamamayan ng Balangiga. Kasamang pinag-utos na patayin ang mga batang may gulang na 10 taon pataas na may kakayanan nang lumaban. Isinama ng mga Amerikano sa pag-alis sa bansa ang tatlong kampana ng Balangiga. 

Ayon sa mga Amerikano, ang mga kampana ng Balangiga ay simbolo ng kanilang tagumpay. Di nagtagal napasakamay din nila ang buong Samar pati na ang Leyte at Negros. Ayon sa mga historyador libo-libo ang napuksa sa Samar bago matapos ang digmaan. Ninakaw din ng mga Amerikano ang tatlong batingaw ng Balangiga, bilang “war booty”. At dahil din sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pormal nang isinauli ng pamahalaang Amerika ang tatlong “Balangiga Bells” pagkalipas ng 117 taon. Ito ay dumating sa Villamor Airbase noong Disyembre 11, 2018 at tuluyang naibalik sa simbahan sa Samar noong Disyembre 15, 2018.

Pagwawakas ng Digmaang Pilipino-Amerikano

Dahil sa patuloy na pakikipaglaban ng mga Pilipino sa mga Amerikano, maraming buhay ang nasawi. Unti-unting natalo ang mga rebolusyunaryong Pilipino. Nahuli si Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela noong Marso 23, 1901. Sunod na sumuko sa mga Amerikano si Hen. Miguel Malvar sa Lipa, Batangas at huling sumuko naman si Hen. Simeon Ola sa Guinobatan, Samar. Hindi mapapantayan ng salapi ang ginawang pagpapakasakit ng mga Pilipino sa pagtatanggol ng bansa. Buhay at dugo ang ibinuhos para labanan ang mga manlulupig. Nagpapatunay lamang ito nang labis na pagmamahal sa bayan at kalayaan ng mga Pilipino.

Mga Dapat Tandaan:

✓ Ang Kasunduan sa Paris ay naglalaman ng pormal na pagsasailalim sa kapangyarihan ng Amerika sa ating bansa kapalit ang 20 milyong dolyar.

✓ Ang Benevolent Assimilation Policy ay ang pagpapahayag ng bansang Amerika ng kanilang mabuting layunin sa pagsakop sa Pilipinas.

✓ Ang pagpapaputok ng isang kawal na Amerikano sa Pilipino noong gabi ng Pebreo 4, 1899 ang pinagsimulan ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

✓ Ang simula ng Digmaang Pilipino-Amerikano ay naganap sa kanto ng Sociego at Silencio Sta. Mesa.

✓ Si Gregorio del Pilar ay tinaguriang “Bayani ng Pasong Tirad”. Ibinigay niya ang kanyang buhay upang makatakas si Emilio Aguinaldo sa mga Amerikano.

✓ Setyembre 28, 1901 nang naganap ang Balangiga Massacre kung saan maraming Amerikano ang namatay at nasugatan dahil pinagtataga sila ng mga Pilipino. Ang pangyayaring ito ay isa sa pinaka-masaklap na pagkatalo ng mga Amerikano sa Digmaang Pilipino-Amerikano.

✓ Ang kampana ng Balangiga ay kinuha ng mga Amerikano noon. Ang kampanang ito ang pinatunog ng mga taga-Balangiga senyales ng kanilang pag-atake. Noong Disyembre 11, 2018, matapos ang 117 taong pananatili ng mga kampana sa Amerika muli itong ibinalik sa Pilipinas.

✓ Si Gregorio del Pilar ay pamangkin ni Marcelo H. del Pilar. Ang kampo ng Philippine Military Academy (PMA) ay tinatawag ding Fort Gregorio del Pilar. Ito ay bilang parangal sa kanyang pagiging matapat, magiting at may integridad.


ARALING PANLIPUNAN 6

Unang Markahan - Modyul 6: Ang Digmaang Pilipino-Amerikano

Unang Edisyon, 2021

Karapatang sipi © 2021

La Union Schools Division

Region I


Ang lahat ng karapatan ay ibinibigay sa may akda. Anumang paggamit o pagkuha ng bahagi ng walang pahintulot ay hindi pinapayagan.


Disclaimer: No Copyright infringement intended. For educational purposes only.

YOU MAY ALSO LIKE:

VALEDICTORY ADDRESS / GRADUATION MESSAGE FOR GRADUATION CEREMONY

  VALEDICTORY ADDRESS Ladies and gentlemen, to our distinguished guests, esteemed faculty members, proud parents, and my fellow graduates....